Linggo, Oktubre 20, 2013

Talaan Ng Mga Akda

Luha ................................................................................................... Rufino Alejandro
Buod ng Banaag at Sikat .................................................................. Lope K. Santos
Mabangis na Lungsod ....................................................................... Efren Reyes Abueg
Tata Selo ............................................................................................ Rogelio Sikat
Sinag Sa Karimlan ............................................................................. Dionisio Salazar
Banyaga .............................................................................................. Liwayway Arceo
Kinagisnang Balon ..................................................................... Andres Cristobal Cruz
Sa Pula sa Puti .................................................................................... Francisco Rodrigo
Luha



Wala unang pagsisisi, ito'y laging nasa huli.

Daloy aking luha…Daloy aking luha, sa gabing malalim.

Sa iyong pag-agos, ianod mo lamang ang aking damdamin, hugasan ang puso—yaring abang pusong luray sa hilahil, nang gumaan-gumaan ang pinapasan ko na libong tiisin!

Nang ako'y musmos pa at bagong namukad yaring kaisipan, may biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay. "Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay ang ikaw'y mabuyo sa gawang masama'y dapat mong iwasan.

Nang ako'y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak, ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak; sa maalong dagat ng buhay sa mundo'y nag-isang lumayag, iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!

Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na itong huli na'y nakilalang alak na nakamamatay. Ang pinagbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa Kinabukasan!

Kaya naman ngayon, sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi; tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkadugahi't iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!

Daloy, aking luha…Dumaloy ka sa ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; ianod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan. Nang yaring hirap ko't susun-susong sakit ay gumaan-gaan!

http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/03/luha-ni-rufino-alejandro.html



Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.

Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.


Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.


Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.


Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.


Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.


Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.


Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.


Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.


Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.


Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.


Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.


Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.


Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.


Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.


Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."


Mabangis na Lungsod
1. Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong sa araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring maninipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.

2. Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawang taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroon, kundi dahil sa naroroon, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi— at ang Quiapo.

3. Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.

4. Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket sa suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.

5. Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad sa kanyang katawan.





6. “Mama…Ale, palimos na po.”

7. Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay nagpapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.

8. “Singko po lamang, Ale…hindi pa po ako nanananghali!”

9. Kung may pumapansin man sa panawagan ng Adong, ang nakikita naman niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. “Pinaghahanapbuhay ‘yan ng mga magulang para maisugal,” madalas naririnig ni Adong. Nasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.

10. At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinapahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghingi sa kanya nito ng piso, sa lahat. Walang bawas.

11. “May reklamo?” ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito’y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.

12. At ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hindi nakarating sa kanyang bituka.

13. “Maawa na po kayo, Mama…Ale…gutom na gutom na ako!”

14. Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao’y bantad na sa pagpapalimos ng maraming pulubi. Ang mga tao’y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ang karukhaan.

15. Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.

16. “Malapit nang dumating si Bruno…” ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa’y para sa lahat na maaaring makarinig

17. Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpatindig sa kanyang balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang tao—malamig walang awa, walang pakiramdam—nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa’t waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.

18. Ilang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang palad at sa kaabalahan niya’y hindi niya napansing kakaunti na ang taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadaling pag-iwas.

19. “Adong…ayun na si Bruno,” narinig niyang wika ni Aling Ebeng.

20. Tinanaw ni Adong ang inginuso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mahigpit niyang kinulong sa kanyang palad ang mga bagol.

21. “Diyan na kayo, Aling Ebeng…sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!” mabilis niyang sinabi sa matanda.

22. “Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Makita ka ni Bruno!”

23. Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula’y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya’y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita. Sumandal siya sa poste ng ilaw-dabitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos sa paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, na kabangisang sa mula’t mula pa’y nakilala niya at kinasuklaman. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.

24. “Adong!” Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag.

25. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglaya. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba, at sa kabangisan.

26. “Bitawan mo ako, Bruno! Bitawan mo ako!” naisigaw na lamang ni Adong.

27. Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/03/mabangis-na-lungsod-ni-efren-r.html
Tata Selo
Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked.
“Totoo ba, Tata Selo?”
“Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”
Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.”
Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok.
“Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.
“Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo.
“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”
Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.
“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po n’yo.”
Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.
“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”
Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.
“Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”
“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”
Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.
“Patay po ba?”
Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.
“Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”
Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas.
Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.
Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked.
“Patay po ba? Saan po ang taga?”
Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe.
“Saan po tinamaan?”
“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.”
“Lintik na matanda!”
Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.
“Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan.
Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\
“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde.
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.”
“Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde.
Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.
“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”
“Saan mo tinaga ang kabesa?”
Matagal bago nakasagot si Tata Selo.
“Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.”
“Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.”
“Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe.
Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.
“Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde.
Hindi sumagot si Tata Selo.
“Tinatanong ka,” anang hepe.
Lumunok si Tata Selo.
“Umuwi na po si Saling, Presidente.”
“Kailan?”
“Kamakalawa po ng umaga.”
“Di ba’t kinatatulong siya ro’n?”
“Tatlong buwan na po.”
“Bakit siya umuwi?”
Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya.
“May sakit po siya?”
Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.
“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan.
“Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo.
Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.
Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe.
“Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...”
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.
“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.
Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.
“Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon ka siguro ikukulong.”
Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.
“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.
“Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.
May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa. Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itinatanghal.
Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.
Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.
“Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!?
Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.
“Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang magsasabi...”
“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.”
“Ang anak, dumating daw?”
“Naki-mayor.”
Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigisang sa kanya.
“Tata Selo...Tata Selo...”
Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.
Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya.
“Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod...
Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng saka ang sinasabi.
Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa kanila...

Sinag Sa Karimlan


(Maraming sanhi ang isinasama ng isang tao. Kung minsa’y dala ng kapaligiran o impluwensiya ng barkada. Sa ating dula, tuklasin kung bakit naligaw ng landas si Tony. Paano siya muling nakabalik sa matuwid?)
MGA TAUHAN :
Tony ……………….. Binatang bilanggo
Luis ……………….. Ang kanyang ama
Erman ………………..)
Doming …………….. ) Mga kapwa bilanggo
Bok ………………. )
Padre Abena …………Isang pari ng bilibid
Miss Reyes …………. Isang Nars
Isang Tanod
PANAHON: Kasalukuyan
TAGPUAN: Isang panig ng pagamutan ng Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa.
ORAS : Umaga
PROLOGO : Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa: Wakas at Simula …
Moog ng katarungan … Sagisag ng Demokrasya … Salaming pambudhi … Palihan ng puso’t diwa… Waterloo ng kasamaan… Hamon sa pagbabagong buhay …
May mga maikling gayung dapat hubdan ng mascara at sa sinapupunan nito kailangang iwasto ay hayu’t talinghagang mamamayagpag at umiiring sa batas. Sa isang dako’y may mga walang malay na dahil sa kasaliwaang-palad, kahinaan, o likas na mapagsapalaran ay dito humahantong; dito rin sinisikatan o nilulubugan ng Katotohanan at Katarungan…
Marami nang lubha ang mga pang pumasok at lumabas dito. Walang makapagsasabi kung gaano pa karami ang tatanggap ng kanyang tatak…
May sala o wala, ang bawat pumasok dito ay kabuuan ng isang marikit at makulay na kasaysayan…
PAGBUBUKAS ng tabing ay mabubungad ang isang bahagi ng pagamutan ng Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa. May anim na teheras ang makikita rito. Ang dalawang nasa makabilang gilid ay bakante. Sa dalawang nasa gawing kanan ay magkaagapay si Tony (19 na taon) at si Bok (29); sa gawing kaliwa naman ay naroroon si Mang Erman (45) at si Doming (30). May munting durungawang nahahadlangan ng mga rehas na bakal na makikita sa gawing likod, kalagitnaan. Hubad ang natutulog na si Tony. May bakas ng dugo ang mga bendang nasa kanyang tiyan at kaliwang bisig . May black eye rin siya. Si Bok ang bilanggong labas-masok sa Bilibid, ay nakakulubong – may trangkaso siya. Si Mang Erman, na may apat na araw nang naooperahan ng almoranas, ay gising at waring nag-iisip. Naka-plaster cast naman ang isang paa ni Doming … Paminsan minsa’y maririnig ang malakas ng paghilik ni Bok .
Doming: (Bibiling sa higaan, iiangat ang ulo, at tatanungin si Bok) tipaningmayap, lakas namang mag-ilik ni Bok.
Ernan: (Mangingiti) Pasensiya ka na Doming.
Doming: Kelan pa kaya lalabas dito ‘yan, a Mang Ernan? Traga malas hang. BABAYING . Ba, sino ‘yan? …. (Ingunguso si Tony.)
Ernan: Ewan, Hatinggabi kagabi nang ipasok ‘yan dito. Kawawa naman. Dugu-dugun siya.
Doming: OXO seguro ‘yan. O kaya Sigue-Sigue. Nagbakbakan naman seguro. (Mamasdang mabuti si Tony.) Mukhang bata pa.
Ernan: At may hitsura, ang sabihin mo.(Mapapalakas ang hilik ni Bok.)
Doming : Tipaning – parang kombo! (Matatawa si Mang Ernan.)
Bok: (Biglang mag-aalis ng kulubong; pasigaw) Saylens! Magapatulog man kayo! Yawa….
Ernan: Si Bok naman. Konting lamig, ‘bigan.
Doming: Hisi lang, Tsokaran.
Bok: Tuluyan nang babangon: matapos mag-inat at maghikab ay susulyapan ang katabi) Nagapuyat ako kagab-i. Galaking sugat n’ya.(Titingnan ni Tony.) (Kikilos sa pagkakahiga atmapapahalinghing si Tony.)
Doming: Kilala mo siya, Bok?
Bok: (Sabay iling) De-hin. Kung ibig yo gigis-
Doming : Ba, ‘wag!, Makikitang kikilos si Tony.) O, ayan, gising na.
Tony: (Matapos huminga ng paimpit na waring ayaw ipahalata ang
nararamdamang sakit) M-ma—gandang umaga senyo…
Ernan: Gayundin sa ‘yo. Este, ano nga’ng - ?
Tony: (Mauupo; mahahalatang nagpipigil pa rin sa sakit) Tony ho’ng pangalan ko. Tekayo! Kayo si Ginoong Ernani Alba, di ho ba?
Ernan : Ako nga.
Tony : Nababasa ko’ng inyong mga akda. Hanga ako senyo!
Ernan: Salamat, Tony.
Bok: (May pagmamaki) ako gid, de-hin mo kilala? Di wan en only Bok –
alyas Thompson Junior. Big bos ng Batsi Gang. Marai padrino. Yeba!… (Mangingiti ng makhulugan ang lahat.)
Tony: Haharapin si Doming; malumanay) Kayo?
Doming: Doming hang palayaw ko. Walang h-alyas .
Bok : (Kay Tony) OXO? … Sigue – Sigue? … Bahala na? … Pawang iling ang itutugon ni Tony.) Beri-gud Ginsama ka a ‘ming Batsi Gang, ha?
Tony: Salamat, Bok. Pero sawa na ‘ko sa mga gang, sa mga barkada. Dahil sa barkada’y – heto, magdadalawang taon na ‘ko dito sa Big House.
Ernan : Mukhang makulay ang … Pewede ba Toning kahit pahapyaw ay ibidamo sa ‘min ang iyong buhay?
Bok : (Bago makapangusap si Tony) Holdi’t,Tony boy! … Ba’t nagalaslas angimong tiyan, ber? At… teribol yang blakay mo. Yawa.
Doming: (Mapapansin ang pangagasim ng mukha ni Tony) Makakaya mo ba, Tony?
Tony: (Tatango muna bago umayos ng upo) Pumuga sina Silver Boy kagabi. Nang hindi ako sumama’y sinuntok ako. Mabuti kanyo’t nailagan ko’ng saksak ditto (sabay turo sa kaliwang dibdib), kundi’y … nasirang Tony na ‘ko ngayon. Pero ang di nailaga’y yung sakyod ni Pingas … Nagpatay-patayan lang ako kaya … Aruy!
Ernan: Sa narinig kong usapan ng nars at tanod kagabi ay tatlo ang napatay. Tila lima ang patawirin. Ang iba’y nahuli. (Sa sarili) A, kalayaan, sa ngalan mo’y kay dumaming humahamak sa kamatayan ! Kay Tony ) mabuti’t tumanggi ka, Tony, kundi’y … ‘tay kung masakit ‘yan ay saka na.
Tony : Huwag kayong mag-alala, kaya ko ito … (Hihinga muna nang mahaba.) Mula nang madala ko rito, e nag-iba na’ng takbo ng … Naisipkong walang ibubungang mabuti ang kasamaan … Malaki’ng utang na loob ko ke Padre Abena … sa aking pagbabago … Totoo nga naman, walang utang na hindi pinagbabayaran …. Me parusa sa bawat kasalanan!
Ernan : (May paghanga) May sinasabi ka, Tony!
Bok: (Ngingiti – ngiti habang nakikinig sa pahayag ni Tony; sa himignagmamagaling) No dais, Tony, kun sila malalaki naganakaw milyun – milyun, ba. Sigi lang, ‘adre. Basta mi lagay. Basta mi padrino!
Tony : Me relihiyon ka ba, Bok?
Bok: (Tatawa habang sumasagot; pauyam) Reliyun? Wala kwenta ‘yan. Hm, dami, dami nagasimba, pero ginluluko sa kapwa. Dami gadasal, pero gin-nakaw, gin-ismagel, yawa.
Doming : Mabuti pay ‘way na tayo maghusap tungkol sa relihiyun.
Ernan : May katwiran si Doming. Ang paksang relihiyon ay masyadong kontrobersyal. Paris ng iba’t ibang ismo, kaya … di dapat pagtalunan.
Tony: Pero, Mang Erman, ba’t tayo matatakot magtalo? Kung walang pagtatalo, walang pagkakaunawaan. Kung walang pagkakaunawaan, walang pagkakaisa. Ang mga taong di nagkakaisa’y pirming nag-aaway.
Ernan : Tama ‘yan. Ngunit ang pagtatalo’y dapat lamang sa taong malaki ang puso; hindi sa mga maliit ang pinagkukunan. Pero … pinahahanga mo ako, Tony! Nag-aaral ka ba ng batas? Ba, may kakaibang tilamsik ang iyong diwa.
Tony: Elementarya lamang ho ang natapos ko.
Doming: Kasi nga naman hasa mo habugado ka kung magsalita.
Bok: Ber, ber, mga pare! ‘Yung istorya ni Tony!
Tony: Iimbithin kita , Bok, isang araw, sa klase naming nila Padre Abena. Marami kang mapupulot doon. At pakikinabangan. Tiyak.
Bok: No ken du! Kun naytklab pa, olditaym!
Tony: (Matapos makinang handa na ang lahat sa pakikinig sa kanya) Buweno…Ako’y buhay sa ‘sang karaniwang pamilya sa Tundo. Empleyado si Tatay. Guwapo siya. Pero malakas uminom ng tuba. At mahilig sa karera. Napakabait ng Nanay ko. Kahit kulang ang iniintregang sahod ni Tatay e di siya nagagalit, paris ng iba. Sang araw e nadiskubre ni Nanay ang lihim ng Tatay ko; meron siyang kerida . Natural, nag-aaway sila … Umalis si Tatay . Iniwan kami. Awa naman ng Diyos e natapos ko rin ang elementarya. Balediktoryan ako…
Bok: (Sisingit) Balediktoryan? Siga ka. Yeba!
Tony : (Magpapatuloy matapos ngitian si Bok) Namatay ang solo kong kapatid na babae. Malubha si Nanay. Naospital siya… Naghahanapbuhay naman ako. Pero, kulang din, kasi mahal ang lahat … Nakakahiya pero … dahil sa barkada’y natuto akong akong mandurukot , mang – agaw, magsugal. Naglabas-masok ako sa Welfareville … Inilipat ako ditto pagkatapos … Santaon na lang ang natitira sa senten’ya ko… A, ang tatay ko ang may sala ng lahat! … Mabuti nama’t idinistino ako ni Direktor sa ‘ting library. Nagpagbabasa ako roon. Mahilig akong magbasa ng –
Ernan : Magaling. Ang pagbabasa’y nakapagpapayaman ng isip. Sabi nga ni Bacon ay “Nakalilikha ng tunay na lalaki Ang pagbabasa…”
Tony: Mahilig din ho akong magsulat.
Doming : Teka muna, Tony! Hanong nangyari sa Tatay mo?
Tony: Mula ng umalis siya’y di na namin nakita. O nabalitaan kaya.Kinamuhian ko siya nang labis.
Ernan : Huwag naman. Hindi tama ‘yan. Ang ama ay ama kailanman.
Doming : Kung magkita kayo, hanong gagawin mo?
Tony : Mula nang umalis siya’y di na namin nakita. O nabalitaan kaya.Kinamuhian ko siya nang labis.
Ernan : Huwag naman. Hindi tama ‘yan. Ang ama ay ama kailanman.
Doming : Kung magkita kayo, hanong gagawin mo?
Tony: Ayoko na siyang makita pa!
Bok: Gaisip ko reliyuso ka. Ba’t ngani…?
Tony: Di ba maliwanag? Si Tatay ang nagwasak ng aming tahanan. Siya’ng dahilan ng pagkaospital ni Nanay. Ng pagkamatay ng akingkapatid… Ng aking pagkakaganito!
Ernan: Kung sabagay ay madaling sabihing “lumimot at magpatawad.” Subalit may kahirapan itong isagawa. Gayunmay’y walang hindi napag-aaralan, kung talagang ibig. Ako? Di ninyo naitatanong ay nagawa ko ring patawarin ang mga naghangad ng aking pagbagsak.
Tony: Malaki ang inyong puso, Mang Ernan! Ma-malawak ang saklaw ng inyong puso. Mang Ernan! Ma-malawak ang saklaw ng iyong tingin. Pambihira kayo.
Ernan: Salamat, iho. Ngunit alam mo bang ang pinakamabigat kong kasawian ay ang di-pagkakaroon ng anak?
Tony : Biyudo kayo?
Ernan: Hindi, buhay ang aking asawa. Mabait siya. Maunawain. Mapagpahal. Mapagkatiwalaan. Pero ang mag-asawang walang anak (Magbubuntunghininga) … napaka … hindi ganap ang kanilang kaligayahan.
Doming: Hilang taon na kayo, Mang Herman?
Ernan: K’warenta’y singko na.
Bok: Tsiken pid! Ang akin lolo, sisenta na, gaaanak pa (Maikling tawanan.)
Tony : Ga’no na kayo katagal ditto, tabi ? …
Ernan : Nakakaisang taon na ako. May isa pa. Alam n’yoy kuwestiyon de prinsipyo ang ipinasok ko rito. Binayaran ko lang yung multa. – na sabi nga ni Bok ay tsiken pid lang – ay ligtas na ‘ko sa pagkakabilanggo.
Tony : E bat naman kayo namultahan?
Ernan : Kakaiba ang aking pagkamakabayan. Isang araw ay Sinunog ng isang kapisanang pinangungunahan ko ang maraming aklat na imoral, mga aklat kasaysayang mali-mali ang mga ulat, mga nobela, komiks at magasin at iba pa na nakaw lang sa iba ang nilalaman… Nahabla kami. At namultahan ng hukuman. Dahil nga sa prinsipyo’y inibig ko pang pabilanggo. Malayo naman akong nakapagsusulat dito, kung sabagay.
Tony : Maaari ho bang paturo senyo ng pagsulat? Kay dami kung ibig sulatin kasi, e.
Ernan : Tulad ng isang beteranong mag-aalahas, agad kong nakikilala ang batong may mataas na uri … Ituturing kitang parang tunay na anak … Mapapamahal ka rin sa king mabait na maybahay… Meron din kaming ilang ari-arian … pag-aaralin ka namin.
Tony: Ke buti n’yo! . . . Me pangako rin si Padre Abena. Pag – aaralin din daw ako. Pero… nakakahiya na atang pumasok sa klase. Baka tawanan.
Ernan: Ang karunungan, iho, ay walang kinikilalang edad. Ang totoo’y walang katapusan itong pag-aaral ng buhay ng tao.
Tony: Ganyan din ho ang sabi ni Padre Abena, Mang Ernan.
Ernan: Ang dunong ay yaman, ikaw, hagdan, kapangyarihan. Walang marunong nag-nagkakaanak ng alipin.
Tony: Wala rin kuwenta ang masyadong marunong. Paris ni Rizal, binaril –
Ernan: Iba ang kanyang panahon, iho. Pasalamat tayo’t dahil sa kanyang pambihirang katalinuhan ay nabago ang takbo ng ating kasaysayan … Kailangan natin ang marunong na lider, Tony. Yaong taong matalino na’y makabayan pa. Hindi gahaman sa salapi’t karangalan. Hindi mapagsamantalan Yaong walang colonial mentality.
Bok: Kalunyal mantiliti? Anu ‘yun?
Ernan : Diwang alipin, Bok. Pamamanginoon sa mga dayuhan. Walang sariling paninindigan. Wal- (Kagyat na matitigil dahil sa naririnig na takatak ng sapatos.) Bantay!… (Habang dumaraan ang may edad nang tanod ay walang imik sa magkakasama.)
Bok: (Pagkatalikod ng tanod) Pwee, dedoso pang bu-ang! Gaisip seguro magatakas tayo. Yawa. (Tawanan) Pano ngani? … Mi trangkaso … Lumpo (Titingnan si Doming) … Almoranas (Susulyapan si Mang Ernan) . . . Galaslas ang tiyan? Ingungususo si Tony. Tawanan na naman.)
Tony: Maiba ‘ko, Mag Ernan. Ba’t kayo naospital?
Ernan: Hindi naman.
Doming: Sang tanong, Mang Ernan. Nagagawa bang makata?
Ernan: Isinisilang sila, Doming …. Maalala ko nga pala! Di ba’t ikaw Tony ang tumula nang dumalaw itong minsan ang Presidente?
Tony: Ako nga ho.
Ernan Ang binigkas mong tula’y –
Tony Pilipinas, ke gandang tula. Alam kong kayo’ng gumawa niyon.
Ernan Ibig kong malaman mo na ang tulang iyo’y kasama sa lalabas kong aklat ng mga piling tula… kabilang na roon ang mga sinulat ko rito.
Doming Hanong pamagat?
Ernan Sinag Sa Karimlan.
Tony Sinag sa Karimlan? Wow, gandang pamagat! Bagay ba bagay sa saaa … atin dito! Kelangan ng mga nasa dilim ang sinag. Ang liwanag!
Ernan Walang taong hindi nalalambungan ng dilim. Lubhang makapangyarihan ang karimlan! Subali… naitataboy ang dilim!
Tony Sana’y mabasa ko ‘yon!…
Ernan Bibigyan kita ng sipi. At marami pang iba. Lubhang makapangyarihan ang karimlan! Subali … naitataboy ang dilim!
Tony Sana’y mabasa ko ‘yon! …
Ernan Bibigyan kita ng sipi. At marami pang iba, kung…
Bok (Nakahahalataan ng pagkabagot kapag pangkaisipan na ang pagkabagot kapag pangkaisipan na ang paksa) Ber, ber, Doming! Gin istorya mo naman pare…. (Titingnan at tataguan ng iba si Doming, bilang pag-ayon sa pahiwatig ni BOK)
Doming Ako’y ahente ng seguro. Malakas ang aking komisyon. Sang haraw, buat sa hisang prubins’ya hay muwi ako dail sa bagyo. Magugulat pero matutuwa ning asawa o, sabi ko. Sa kusina hako nagdaan. Pero hanong nakita ko? Sus, hang asawa ko’tmatalik na kebigan hay… Uling-uli ko sila . Nagdilim hang aking tingin … Binaril ko’ng traydor nang tumalon sa bintana… Napatay ko siya. (Mapapasandal sa dingding pagkatapos).
Tony At nabilanggo ka dahil doon? Bakit ganon?
Doming Hewan ko nga ba. (Magbububuntunghininga)
Ernan Nakikiramay kami sa ‘yo, Doming …. Alam mo Tony, ang bilangguan ay hindi lamang para sa mga nagkakasala . Ito’y para rin sa mga sinamaang palad. Sa mga kawawa. Sa walang malakas na naa… padrino, sabi nga ni Bok.
Bok (May pananabik) Ber, ang imong waswas ? Seksi?
Doming Para sa haki’y siyang pinakamaganda sa ‘ming bayan. Kinuha s’yang mag-hartista. Marami kong naging karibal sa kanya!
Tony “Tapat ang puso mo’t di nagunamgunam na ang paglililo’y nasa kagandahan .” Sino nga, Mang Erman, ang nagsabi niyon?
Ernan Si Balagtas, iho, ang “Sisme ng Panginay”
Doming Hang sama, ng loob ko’y ‘yung pinakamatalik ko pang ko pang kebiganhang… (Haharapin si Tony.) Binata ka pa, Tony, hano? … Ikaw, Bok, binata rin? ‘Wag kayong pakakasal sa masyadongnapakaganda.
Bok A, p’wee sa akon gano. Todas lahi sila lahat pag ako ginaliko, hm…
Ernan Kaya nga salungat ako sa sinabi ni Keats na “A thing of beauty is a joy forever.” Dahil sa kagandaha’y daming tahanan ang nawasak at patuloy na mawawasak. Daming pagkakaibigang napuputol. Daming kataksilang nangyayari! …. Kung totoong nagbibigayng inspirasyon ang kagandahan, totoo ring lumalason ito. Pumapatay!
Bok Asan ngayon ang imong misis Dom?
Tony Magsasama kayo uli? Paglabas mo?
Doming Indi na. Hisinusumpa ko!
Bok Ilan ang imong anak? Sino gid gaalaga?
Doming Wala. “Yung panganay namin ay namatay sa eltor.
Ernan Tungkol sa kaibigan. Sadyang mahirap silang harapin. Lalo na ngayong namamayani ang diwa ng materyalismo. Ng pagpapalaluan. pagkukunwari. Ba, kakailanganin ang maraming Diogenes! (Dahil a hindi lubos na maunawaan ni Bok ang marami sa kanyang naririnig, mahihiga na siya’t magbabalot ng kumot.)
Tony Pa’nu hu makikilala ang tapat na kebigan?
Ernan Maraming paraan diyan. Subalit ang pinakamabuting pagsubok ay sa mga oras ng kagipitan. Nang pangangailangan. Nang pangungulila. Walang pagkukunwari ang tapat na kaibigan. Lagi siyang handang magbigay. Magpakasakit.
Tony Paris ni Damon at Pityas, ano ho ? … Ba’t nga kaya napakaramingmapagkunwari? Ke raming marumi na naglilinis-linisan . At meron pang kaya lang nagbibigay e dahil me inaasahang tubo o gatimpala. May –
Ernan ‘ – nagmamalukong ay kubaw; may nagmamatulis ay pulpol.”
Tony Me kunwari’y nagkakawanggawa, pero saan ba’y ibig lang maperyodiko ang kanilang retrato o pangalan.
Ernan Kaya nga kaibigan natin ang moral regeneration o pagbabagong - buhay.
Doming Napapansin kong alos pare-ong pare-o hang takbo ng hisip mo, Tony , ke Mang Ernan.
Tony P’wera bola, Doming! Malayong – (Mauuntol ang sasabihin dahil sa paglitaw ni Padre Abena ) Aba si Padre Abena ! Magandang umaga po Padre.
P. Abena Magandang umaga sa inyong lahat. (Karaniwan lamang ang taas ni Padre Abena. Isa siya sa pari ng Bilibid. Mag-aapatnapu na siya, Maamo ang kanyang mukha at malamig ang tinig. Nakasutana siya. At nakasalamin Habang lumapit ) Tony, totoo bang? … may sugat ka sa tiyan ! .. sa braso! May blak-ay ka!
Bok (Maliksing babangon) kondi magapatay-patayan ‘yan, Padre tay-pa na .
Tony Totoo po’ng sabi ni Bok, Padre. Ganon nga ‘ng ginawa ko kaya lang iniwan ng mga tigasin.
P. Abena Laking pagsisi ngayon ng mga nabigong mapupusok.
Tony Sadyang walang unang sisi, Padre, E-e-e- … pa’no po ngayon , Padre maaabsen ako sa ‘ting klase?
P. Abena Ow, huwag mong intindihin yun, anak. Ikaw naman ang pinakamarunong sa lahat, a… Natutuwa ako’t hindi ka naganyak sumama kagabi.
Tony Padre, hindi ko mamantsahan ang inyong pagtitiwala sa ‘kin! Gayundin ang ke Direktor.
P. Abena Salamat, anak. Huwag kang makalimot sa Diyos Ang tumatawag ay dinirinig. Ang napakupkop ay tinatangkilik.
Tony Padre, ke bui-buti n’yo ! … Siyanga pala, si Mang Ernan’y ibig ding … Wala raw silang anak.
Ernan (Maagap) Totoo, padre, ang sinabi ni Tony. Gayunma’y kung may usapan na kayo’y … Padre, kami ng maybahay ko’y labing limang taong umasa, nagnobena, namintakasi upang mag-kaanak, subalit …. Aywan ko ba kung bakit agad akong nagkaamor kay Tony.
P. Abena Talagang isa sa marami ang batang iyan . Masunurin siya. Matulungin. Mapagkakatiwalaan. At matalino. Balak ko sanang pagpariin siya dangat ibang kurso ang kanyang ibig. Natutuwa ako’t kayo’y –
Tony Padre, possible po bang magkaroon ng dalawang ama-amahan?
P. Abena Bakit hindi ? Mabuti nga’ng gayon at maraming titingin sa ‘yo. Pagdating naamn ng araw ay… kagustuhan din ng tatay mo ang mangyayari.
Tony (Mapapalakas ang tinig) Utang na loob, Padre Sinabi ko na seyong wala ‘na akong Tatay!
P. Abena Ikaw ang masusunod, anak. Alam kong alipin ka pa ng iyong nasugatang damdamin. May lambong ka pa ng karimlang … A, di na nga bale. Maiba ako, malalim bang naging sugat mo,Tony?
Tony Sabi ng doctor e di naman daw napinsala ang aking bituka.
P. Abena : Mabuti kung gayon. Buweno, huwag kang masyadong maggagagalaw at nang hindi dumugo. (Sa bahaging ito’y aalingawngaw ang isang malakas na pagpapagibik buhat sa ibang panig ng ospital . Matatahimik ang lahat at makikinig sa na) “Tubig! Tubigg! Mamamatay na ‘ko sa uhaw! Tubiggg!
P. Abena Diyan nga muna kayo at titingnan ko lang kung sino ang nagpapagibik na ‘yon. (Susundan ito ng alis .)
Lahat Adyos, Padre.
Tony ( Sa sarili) Ke bait niya. Salamat at nagkaroon ang bilibid ng paring tulad niya … Matutupad din ang pangarap kong makapag-aral … kung sakali…
Ernan Sadyang mabait si Padre Abena. Sana’y paris niya ang lahat ng alagad ng panananampalataya … Pero, tingnan mo, Tony: sa karamihan ng kanyang gawain ay hindi ko siya makakapiling sa lahat ng oros, samantalang ako … Tuturuan kita ng pagtula. Ng pagsulat. Pananalumpati. Pag – aaralin kita hanggang ibig mo. Kailangan naming mag-asawa ang tagapagmana.
Tony Paumanhin ho, Mang Ernan… Bukod sa makata, ano ho ba’n –
Ernan A, ako’y peryodista. Propesor din ako sa isang unibersidad sa Maynila. Kaanib sa ilang samahamng pangwika, pangbayan, pangkultura … May malaki akong aklatan – magugusthan mo …. Guro naman sa piyano ang aking maybahay. Magkakasundo kayo. Teka, ayan na’ng ating butihing angel! ((Titigil sa pagsasalita pagkatanaw sa pumapasok na nars. Magbibigay galang ang lahat. Ilalapag ng simpatika’t batangbatang nars ang lalagyan ng mga gamut. Isa-isa niyang titingnan ang temperatura ng naroong apat na pasyente. Hindi iintindihin ang may paghanga’t pagnanasang tinging iniuukol sa kanya – lalo na si Bok. Alam niyang sa kaharian ng mga lalaki, ang pangit mang babae ay nagiging pulot gata. Aalis siya pagkabigay ng kaukulang gamut sa mga may karamdaman)
Bok (pagkatalikod ng nars) Wow! Talagang da-magan si Miss Reyes! Kungmagaibig lang siya ngani sa akon, pero … ginsama ang akon record. Yawa.
Tony Bok, si San Agustin , bago naging santo ay naging isang pusakal munang magnanakaw … Tandaan mo’to, Bok. Higit na marangal ang masamang bumuti kaysa mabuting Sumama.
Bok Galalim man ang imonmg Tagalog!
Ernan Malay natin, baka maging santo ka rin, Bok (Tawanan)
Bok (Matatangay na rin ng biruan) Tama ka Mang Ernan. San Bok (pagdadaupin ang mga palad sa tapat ng dibdib, titingala ngbahagya at pipikit ) … santo santo gid ng mga holdaper! .. Nakakahiya, yawa. (Tawanan na naman)
Ernan P’wera biro, napansin kong may ibig sabihin ang tinginan ni Tony at Miss Reyes. Lalaban ako ng pustahan na … (Haharapin si Tony.) Magtapat ka Tony, may pagkakaunawan na kayo na kayo ni Miss Reyes, ano? (Ngingiti lamang ng makahulugan si Tony at ang palihim na pag-sang-ayon sa pamamagitan ng pagtaas ng kilay ay mapapansin din nina Bok at Doming.)
Bok Jackpot ka, Tony boy! Tsk, tsk, talaga man materyales pwerte si Miss Reyes. Inggit ako sa imo.
Doming Listo ! Ayan na naman hang-tay-ban! Darating ng dati ring tanod.)
Tanod (Sa may pintuan) Antonio Cruzada!
Tony (Itataas ang kanang kamay) Sir!
Tanod Miron kang bisita, adding.
Tony Bisita? Asan Sir? Sino hu siya? Sino hu siya? Kilala bay n’yo sir?
Tanod Iiling at susulyapan si Mang Ernan) Siguro sing, idad sa kanya.
Doming Kuwarentay singko.
Tony Papuna na ba rito, sir?
Tanod Wen adding. (Aalis. Lalabas sa pintuang pinapasukan.)
Tony (Kunut-noo) Sino kaya ‘yon? … Ba, siya ang una kong dalaw sa loob ng dalawang taon.
Ernan Baka … Tatay mo na ‘yun, Tony)
Doming Baka naman hisang kamaghanak.
Bok (Mapapabangon na naman) G’wapo bang imong derpa? Paris mo Tony?
Tony (Dahil sa pag-iisip ay hindi mauunaaan ang tanong ni Bok; sa sarili) Pa’no niya malalamang narito ako? …. Anim na taon!… City Jail … Welfareville … Muntinlupa … Imposible! Hindi. Hindi maaaring siya! (Halos pasalubong) Huwag Mo pong itulot, Diyos ko!
Ernan Sino man’yon ay may kapit siya. Kung di’y di siya makatutuloy dito … Ayun! Siya na Siguro ‘yung dumarating! (Papasok si Mang Luis, ang ama ni Tony. Kasama niya ang dating tanod. May kataasan si Mang Luis, nakasalamin siya ng may kulay. Mababasa sa kanyan g anyo na siya’y dumanas o dumarana ng maraming suliranin. Isang manhid na barong tagalog ang kanyang suot. Sunog ang kanyang balat, gayunmay halata rinang kanyang kagandahang lalaki. Mag-aapatnapu pa lamang siya subalit mukha nang lilimampuin.
Pagagalain niya ang kanyang sabik na paningin. Pagkunwa’y ituturo naman ng tanod para sa kanya ang pinaghahanap na hindi kaagad mamumukhaan. Pagtatama ng kanilang tinginang anaki nakatanaw ng multo si Tony. Akibat ng matinding tuwa at pananabik ay pasugod na lalapit ang ama sa anak.)
Luis: (Madamdamin) Tony, anak ko! …
(Walang imik na pagyayapos ang tila natatandaang si Tony. Magpapalipat-lipat ang kamay ng naluluha sa galak na ama sa buong katawang mutya ng anak. Pagkaraan ng ilang saglit sa gayong ayos ay pabigla at walang kibong magwawala si Tony. Kahit nakararamdam ng kirot at tatayo siya’t uurong ng ilang hakbang. Tutop niya ang sugat sa tiyan. Tiin ang kanyang mga bagang, may apoy sa mata at iaalon ang kanyang dibdib. Mapapansin si Mang Luis ang mga sugat at “black-eye” niya.)
Luis : Anak ko, napano ka?
(Hindi rin tutugon si Tony. Patuloy ang pananalim ng kanyang sulyap, ang panginginig ng kanyang ugat sa kalamnan ng kanyang panga, ang paninikip ng kanyang dibdib. Samantala’y walang kibuan ang lahat, bagaman mataman silang nagmamasid at nakikiramdam)
Luis Tony, magsalita ka, anak ko. Hindi ka ba natutuwang ako’y makita? … pagakaraan ng may anim na taon? (Buhat sa kinatatayuan ay hindi rin iimik o titinag si Tony. Unti-unti siyang lalapitan ng ama.)
Tony : Huwag! Huwag kayong lalapit! Huwag!
Luis: (Matigigil!) Anak, di mo ba … Ako ang Tatay mo…
Tony: (Palibak) Tatay? … Hm, ang nakilala kong ama’y anim na taon nang p-p patay !
Tony: Sayang lang ang inyong pagod!
Luis : Lalapit pa ng isang hakbang; titigil) anak, patawarin mo ‘ko…
Tony: Inuulit ko: wala na akong,, ama! …. (Lilingon sa gawi ng bintana) Mula nang iwan n’yo kami dahil sa ‘sang –
Tony: (Magpapatuloy na hindi alumana ang sinabi ng ama) Dahil sa kerida’y sapin-saping hirap ang aming dinanas …lalo na’ng aking Nanay … Pati pag-aaral ko’y natigil … Ano’ng gagawin ko? Me sakit si Nanay … Me sakit si Baby … Nagkasangla-sangla kami … At nang lumao’y wala nang ibig magpapautang sa ‘min … ‘Sang araw e napilitan akong … Nang –agaw ako ng bag. Nahuli ako. Nagmakaawa ako at pinatawad naman. Subalit …. nang dumating ako at - amin ay … (mababasag ang tinig) patay nang kapatid ko! Sa tulong –
Luis: Nahihilam na sa luha) Tony, husto na ! … U-utang na loob … A-a alam ko na’ng lahat! …
Tony: (Hndi rin papansinin ang samo ng ama) Sa tulong ng mga kapitbahay e nailibing din si Baby… Naospital si Nanay … Walang ibig kumupkop sa ‘kin … Baka raw me T. B. rin ako … Ako’y naging kanto boy, nabarkada, hanggang … Natuto ako ng iba’t ibang paraan ng pagnanakaw … Natikman kong matulog nang walang unan … magtago sa ilalim ng tulay …
Bok: (Mabilis na papatlang) Tsiken pid ‘yan, Tony!
Tony: (Wawalaing – bahala si Bok) Subalit me wakas ang lahat … Mula sa city jail e nalipat ako sa Welfareville. Naglabas-masok ako ro’n … Nang magdisiotso ako’y heto … Magdadalawang taon na ‘ko rito … (Hihinga ng mahaba at malalim . Tutop pa rin ng kaliwang kamay ang sugat. Biglang haharapin nang tuwiran ang lumuluha’t mistulang korderong ama. Makapangyarihan.) Kayo na dapat kong tawaging ama ay tinatanong ko: Mangyayari kaya ang nangyari sa ‘ming mag-iina kung kayo’y tumupad senyong tungkulin?…
Luis: H-hindi ko na – hindi ko na kayo iiwan … K-k kelanman !
Tony: Pangako, hm … Daling sabihin, daling sirain…
Luis Nagbalik ako upang – upang pagsilbihan kayo habambuhay …
Tony: (Patuya) Ba’t di kayo bumalik senyong magandang kerida?
Luis: (Lipos pagpapakumbaba) Iniwan n’ya ako – ang taksil! – nang hindi ko nang hindi ko na masunod ang kanyang kapritso … Salamat sa kanyang ginawa at naglianag ang nalabuan kong isip. Nagyo’y –
Tony: Huli na ang lahat!
Luis: Ang sakit mong magsalita, anak…alam mo bang limang buwan kitangpinaghahanap? … At nang malaman kong narito ka’y nilakad kong … Nangako si Senador Bigat na mabibigyan ka ngparole.
Tony: (Dahil sa ibang iniisip ay hindi maunawaan ang huling sinabi ng ama) Ewan ko kung si Nanay e buhay pa o patay na. (Pasigaw naman) Kayo! Kayo ang sanhi ng kanyang kasawian! Aru-aruuuyyy!
Luis: Buhay ang nanay mo, anak. Nagkita na kami. Magaling na siya.
Tony: Magliliwanag ang mukha) Buhay! Salamat sa Diyos!
Luis: (Hindi mapapansin ang sariwang dugo sa kamay ni Tony) Pinatawad na n’ya ako. At nagkasundo nga kaming hanapin kita. Anak, magsamasama tayong muli!
Tony: Mahal ko si Nanay, ngunit kayo… Ibig ko pang mamatay kesa sumama sa senyo!
Luis: Mawawala ang pagtitimpi at paghaharian ng damdaming –ama. Isang matinding sampal ang ibibigay kay Tony). Durugo ang bibig ng huli. Sa bahaging ito’y nganingani nang lundagin ni Bok si Mang Luis danga’t makakambatan siya ni Mang Ernan na huwag manghimasok. Sa sandaling ito’y nakatalikod naman at nasa may labas ang tanod. Mapagwawaring ang nagawang kabiglaan, mabilis na lalapitan ang anak. Iigtad naman si Tony.) Patawarin mo ‘ko, anak!
Tony: (Matapos pahirin ang likod ng palad and dumudugong bibig) Lalo lamang ninyong pinalalayo ang ating daigdig! (Mabilis na tatalikod.) (Tigib-pagsisisi at panunumbat sa sarili, walang malamanggawin o sabihin si Mang Luis. Naroong pisilin ang mga kamao; naroong muling tangkaing lapitan Ang nagmamalaking anak; Naroong pisilin ang mga kamao; naroong muling tangkaing lapitan ang nagmamalaking anak; naroong tanawin sina Mang Ernan na parang nagpapahabag at nagpapatulong. Wala namang imikan ang nangamamasid. Pagkuwa’y walang kibong lalabas. Titigil sa may pintuan. Pagkuwa’y walang kibong lalabas. Titigil sa may pintuan upang linguni’t pag-ukulan ng may pagmamahal sa titig si Tony.
Wala namang kamalayan ang nagugulumihanan ding si Tony sa mga ikinikilos ng kanyang ama.
Muling babalikan ni Mang Luis ang nakatungong bunso subalit hindi maisasagawa ang balak na pagyapos dito. Mapapabuntunghininga na lamang at tiim-bagang na aalis. Magkakatitigan sina Mang Ernan, Bok at Doming.
Pagkalipas ng ilang saglit ay dahan-dahang nauupo sa gilid ng kanyang teheras Si Tony. Kagat niya nang mariin ang kanyang labi.)
Ernan: (Malumanay subalit madamdamin) Ang buhay, Tony, ay batbat ng batbat ng iba’t ibang uri ng pag-subok. Ang tagumpay, kaya lalong tumitingkad ay dahil sa kakambal na pagpapakasakit. Ang lalaking tumatakbo sa mga pagsubok at hamon ng tadhana ay pinagtatampuhan ng tagumpay.
Tony: Mang Ernan, kayo man ang nasa lugar ko’y –
Ernan Nauunawan kita, iho. (Titindig at aakbayan si Tony. Miino ang dugong nagmumula sa sugat sa tiyan.) Dumudugo ang sugat mo! (Kay Bok) Pakitawag mo nga ang doctor… (Kay Tony) Mabuti’y mahiga ka. Siguro’y maaampat ‘yan.
Tony: (Habang nahihiga) Walang anuman ito Mang Ernan.
Bok: (Nakaupo pa rin subalit nakabalabal na ng kumot) Hm… tsiken pid ‘yan.
Doming: Sabagay, hakuman ‘yang nasa lugar ni Toni’y – hewan ko nga ba …
Bok: Bilib gid ako sa imo… Gas-mati ka. Y-y-yeba! ….
Ernan: (Habang bumabalik sa kanyang teheras; sa sarli) A, kung masusunod lamang ng mga tao ang Panalangin ni San Francsico ng Asisi, sana’Y –
Tony: Biglang mapapabangon pagkarinig sa tinuran ni Mang Ernan)
Pagkaganda –ganda nga ng “Panalangin ni San Francisco” … Bathala, gawin Ninyo akong … kasangkapan … Kung saan may galit –
Ernan: (Maagap) Bayaang nakapaghasik ako ng pag-ibig. Ang isang maganda pang bahagi’y ‘yung … “Nasa pagbibigay ang ating ikatatanggap … nasa pagpapatawad ang ating kapatawaran … “
Tony: (Mabilis) Mang Ernan… Madali ngang sabihing “Lumimot at magpatawad, “ ano ho? Pero, ar – ruyyy … (Mapipikit at aasim ang mukha. Hahawakan ang sugat sa tiyan.)
Ernan: (Makikitang sa pag-aangat ng kamay ni Tony ay punung-puno yaon ng dugo) Tony! (Kagyat na nalalapitan ang binata at pagyayamanin.) Doming! Bok! Pakitawang n’yung dokdok! O nars! Madali kayo! …
Bok: Hindi pa rin mababakla; hindi titinag) Bals –wals ‘yan!
Doming: (Patikud–tikod na lalabas subalit doon pa’y sisigaw na) Nars! … Nars!… Narrsss!… (Muling darating ang nars na nakarinig sa malakas na sigaw ni Doming. Agarang lalapatan ng pampaampat ng dugo ang sugat ni Tony. Samantalang nangagamutan sila ay siya namang paglitaw sa may pintuan ng magkasamang P. Abena at Mang Luis. Walang imik silang magmamasid.)
Nars: Sariwa pa’ng sugat mo, kaya huwag ka munang magsalita nang malakas. At huwag kang magpapagalaw ha, Tony?
Tony: Paglabas ko rito’y pupunta ‘ko senyong bahay, ha, Lyd? A, Miss Reyes pala!
Nars: Sabi na’t puwera muna ang salita. Pag sinuway mo ‘koy … Sige ka, hm…
Tony: Okey. (Pipikit dapwat muling didilat. Masusulyapan si P. Abena. Magpapalitan sila ng ngiti.)
Nars: O, hayan , tapos na. Be good, ha, Tony? Promise? Tatango ang binata; hahanda siya sa pag-alis.)
Tony: Maraming salamat, L-Ly – Miss Reyes. Hindi kita malilimot kelanman ! Alam mo na iayan … matagal na. ( Hindi pa rin nakikita ni Tony ang ama sapagkat natatakpan ito ng papalapit na pari.)
P. Abena Magkakilala pala kayo ni Miss Reyes …. Mabait at masipag ang batang ‘yan. Paris mo…
Tony: Siya nga po ang babaing handa kong …
Bok: (Makahulugan ang ngiti) tingin ko’y ayos na Silang dal’wa, Padre.
P. Abena : Hindi masama Pabor ako. Saglit na titigil; kay Tony, sa ibang tinig) Anak, ang tatay mo’y … nagkita kami. nakiusap siyang -
Tony: Malilimutan ang lahat; mapapabagong bigla’t puputulin ang pagsasalita ng kausap) Padre! … Na naman? (Hindi mangungusap si P. Abena. Marahan na lang siyang mapapailing; subalit maagap namang maaalayan si Tony.
Si Mang Luis naman, naroon pa rin sa may pintuan, ay mapapabuntung-hininga’t mapapakagat labi Sa namamalas na katigasan ng anak. Mauuntol ang balak niyang paglapit.
Si Miss Reyes naman naman na hindi pa tuluyang nakakalayo ay magaganyak na manood sa tagpong yaong may pangako ng kapanabikan. Lalapitan si Tony at masuyong pagsasabihan.)
Nars: Tony, di ba’t sabi ko sa’yo’y huwag ka munang gagalaw pagkat makasasama sa yo’yo?
Tony : Patawarin mo ‘ko, Ly – est, Miss Reyes.
Nars: (Tatanguan si Tony) Patatawarin kita pero sa uli-uli’y.. Sige, higa na. (Susunod na sana si Tony subalit magkakatama ang tingin nilang mag-ama. Matagal silang magkakatinginan.0
P. Abena: (Makahulugan) Anak, tamo si Miss Reyes, nakapagpapatawad….
(Hindi tutugon si Tony. Mapapatango siya. Ganap na katahimikan . Walang kaurap-kurap, at halos hindi humihingasina Mang Ernan sa pagmamasid sa nangyayaring dula sa silid na yaon. Sa pagtaas ng mukha ni Tony ay makikitang may luha sa kanyang pisngi.
Mabubuhayan ng loob si Mang Luis. Dahan-dahan siyang lalapit a bunsong ngayo’y nakayupyop sa bisig ni Padre Abena.
Magaling sa sikolohiya, marahang iaangat ng butihing pari ang ulo ni Tony at siya’y unti-unting uurong upang mabigyan ng ganap na kalayaan ang mag-ama.
Ngayo’y may kakaiba ng sinag sa mukha ni Tony. May kakaiba ring ngiting dumurungaw sa kanyang mapuputlang labi. At sa isang kisap-mata’y mayayapos siya ng kanyang ama. Masuyo, madamdamin, mahaba ang kanilang pagyayakap.
Katulad ng dalawa, mapapaluha rin ang lahat . Maging ang may bakal na pusong si Bok ay mapapakagat-labi’t mapapatungo ng marahn. Pagdaraupin naman naman ni Padre Abena ang mga, titingala ng bahagya at pangiting bubulong.)




Banyaga
Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.
At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok. Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
“Serbesa ba ‘kama, bata ka, ha?”
Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
“Ibang-iba na ngan ngayon ang...lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.
Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.
“Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. “Ang panganay sana ng Kua mo...matalino...”
“Sinabi ko naman sa Inso...ibigay na sa ‘kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila...ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang...noon...kung natakot ako sa iyakan...” Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.
“Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka...” ayon ni Nana Ibang.
“Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?” Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. “Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?”
“Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba’y gano’n dito?” at napangiti siya. “Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika...”
“Naiinip ka na ba/” agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
“Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila.”
“Ano? K-kahit gabi?”
Napatawa si Fely. “Kung sa Amerika...nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba ‘kong wala sa Pilipinas? Ang totoo...”
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.
Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.
“Ayan naman ang kubyertos...pilak ‘yan!” hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. “ ‘Yan ang uwi mo...noon...hindi nga namin ginagamit...”
Napatawa siya. “Kinikutsara ba naman ang alimango?”
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana’y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi...hindi ka darating...
Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya – ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.
Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
“Sa kotse n,” ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat...baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.
“Ako nga si Duardo!”
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
“Bakit hindi ka rito?” tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. “May presidente ba ng samahan na ganyan?”
“A...e...” Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. ‘A-alangan...na ‘ata...”
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
“Natutuwa kami at nagpaunlak ka...” walang anu-ano’y sabi ni Duardo, “Dalawampu’t dalawang taon na...”
“Huwag mo nang sasabihin ang taon!” biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. “Tumatanda ako.”
“Hindi ka nagbabago,’ sabi ni Duardo. “Parang mas...mas...bata ka ngayon. Sayang...hindi ka makikita ni Menang...”
“Menang?” napaangat ang likod ni Fely.
“Kaklase natin...sa apat na grado,” paliwanag ni Duardo. “Kami ang...” at napahagikhik ito. “Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim...’
Congratulations!” pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.
“Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon,” patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. “Ibang-iba kaysa...noon...”
“Piho nga,” patianod niya. “Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa ‘kong nagmamadali...”
“Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita...”
Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.
At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.
Kinagisnang Balon
Sinasabing walang lampin sa purok ng Tibag na hindi nilabhan sa tubig na sinasalok sa malalim, malaki't matandang balon.

Sinasabing walang nagluto ng pagkain at naghugas ng kinainan sa Tibag na hindi gumamit ng tubig sa balong iyon.

Sinasabing walang naligo sa Tibag na hindi nagbuhos ng malinis at malamig na tubig na siyang biyaya ng matandang balong tisa.

Anupa't masasabing walang isinilang at inilibing na taga-Tibag na hindi uminom o binindisyunan ng tubig na galing sa kanilang balon.

Kung iisipin, masasabi rin na ang buhay at kamatayan ng mga taga-Tibag ay nasa balong iyon.

Mahalaga nga ang balon, ngunit ang bagay na ito'y hindi nila pinag-uukulang masyado ng pansin. Sa kanila, ang balon ay bahagi ng kanilang buhay at kapaligiran, bahagi na ng kanilang mga kinagisnang alamat at mga paniniwala't pamahiing imumulat nila sa kanilang mga anak, at imumulat naman ng mga ito sa susunod nilang salinlahi.

Walang nakatitiyak kung kailan hinukay ang balong iyon.

"Noon pang panahon ng Kastila," anang matatanda.

"Hindi pa kayo tao, nandiyan na 'yan," giit naman ng iba.

At parang pagpapatunay, patitingnan ang mga tisang ginamit sa balon. Kauri raw at sintigas ng mga ginamit sa pader ng Intramuros o kaya'y sa mga pinakamatatandang simbahang katoliko sa Pilipinas.

Ipaglalaban naman ng iba na ang balon ay hinukay, o sa lalong wastong salita ay ipinahukay ng mga may kapangyarihan noong unang panahon ng mga Amerikano. Katunayan daw, maraming bayan sa Pilipinas, lalo na sa Luson, ang may mga balong tulad ng sa Tibag. Kaya naman daw matatagpuan ang mga ganitong balon sa labas ng mga matatandang bayan ay upang madaling masugpo ang kolerang ilang beses kumalat sa buong kapuluan at umutas ng libu-libong pagkukunan ng tubig ay nasa labas ng bayan, por lo menos, madali ang pagsugpo sa kakalat na makamandag na kolera.

May kalabuan man, kung sa bagay, ang ganoong pala-palagay, wala namang magagawa ang mausisa. Basta't iyon daw ang paniwalaan, tapos ang kwento!

Ganoon din ang ibubulyaw ng mga matatandang pikon kung kokontrahin mo sila sa kanilang pananakot. Kung gabi raw na madilim, lalo na kung patay ang buwan, may malignong lumilitaw sa may balon.

Magtago ka raw at sumilip sa likod ng mga punong kakawate, kung minamalas ka, makikita mo na lamang at sukat ang isang pagkaganda-gandang babae sa may balon. May inaaninaw daw itong mukha ng kung sinong katipang nalunod o maaaring nilunod sa balon noong panahon pa ng mga Kastila. Minsan naman daw, mga kung anu-anong hayop ang nagsisilabasan sa may balon at nag-uungulan.

At ano bang mali-maligno! Naisipan daw ng ilang kabinataan ang magpahating-gabi sa likod ng mga punong kakawate. At ano ang natuklasan nila? Ang nananakot ang siyang natakot. At nang magkabistuhan na, humangos daw itong may kinakapkap na kung ano at hinabol ng mga nakatuklas. Hindi matapus-tapos ang sistihan nang makasal nang di oras ang dalawang "maligno" na walang iba kung di ang tanging biyudo't pinakamatandang dalaga sa Tibag.

Isa na iyon sa masasayang pangyayari sa balon ng Tibag. Sa may balon naglalaba't naliligo ang mga dalaga't kababaihan. Kung naroon na ang mga dalaga, panay naman daw ang hugas ng paa ng mga binata. Naroon na ang nakawan ng tingin, mga patalinghagang salitang sinusuklian ng saboy ng tubig o mga naluluma't hindi natutuloy na pagbabantang magsusumbong. Ang inay ng mga batang nagsisipaligo, ng mga baldeng pumapalo sa gilid ng balon, mga pigil na hagikhik ng mga babae, harutan ng mga dalagita…

Marami ang makapagsasabing sa Tibag, ang buhay-buhay, tulad ng matandang balon, ay siya na nilang kinagisnan, kinamulatan pa rin ng kanilang mga anak at mamanahin pa rin ng mga anak naman nito.

Isa na sa mga makapagsasabi si Tandang Owenyong Aguwador. Siya lamang ang aguwador sa Tibag. Ang ibang sumasalok, may pingga at balde, ay para gamit lamang sa bahay. Gamit din sa bahay ang sinasalok ng mga dalagang nagsusunong ng banga ng inumin, balde o golgoreta.

Hanap buhay ni Tandang Owenyong Aguwador ang pag-iigib ng tubig. Iniigiban niya ang ilang malalaking bahay sa Tibag at pinupuno din niya ang mga tapayan o dram ng mga talagang nagpapaigib sa mula't mula pa. Ito ang mga pamilyang kung nagpipista ay siyang pinakamaraming handa't bisita, mga nagiging hermano o punong-abala sa mga komite de festejos. Ito rin ang ipinag-igib ng ninuno ni Tandang Owenyo.

Maglilimampung taong gulang na si Tandang Owenyo. Maiksi ang gupit ng kanyang kulay abong buhok. Pangkaraniwan ang taas, siya'y laging nakakamisetang mahaba ang manggas at kapit sa katawan. Matipuno at siksik daw ang katawan nito noong araw.

"Ba't naman di magkakaganoon e sa banat ang kanyang buto sa pagsalok n'on pa man," sabi ng iba.

"Binata pa'yan 'kamo,' dagdag ng ilan, "aguwador na."

"Di ba't ang Ba Meroy ay aguwador din?"

"Aba, siyanga, ano!"

Ang pangalan ng ama ni Tandang Owenyo ay Ba Meroy. Namatay ito noong panahon ng Hapon.

"Pero 'ala namang giyera," pilit ng iba, "umiigib na ang Tandang Owenyo."

"Minana na niya ang upisyong iyan."

"E, si Nana Pisyang Hilot? Di ba't sa balon sila…"

"A, oo! Doon niligawan ng Tandang Owenyo si Nana Pisyang. Ipagtanong mo."

"Labandera na noon si Nana Pisyang?"

"Labandera na. Ang ipinag-iigib ng Tandang Owenyo ang siyang ipinaglalaba naman ng Nana Pisyang. Kaya nga maganda ang kanilang istorya, e."

"Ang Da Felisang Hilot?"

"Aba, e labandera rin 'yon. Tinuruan naman niyang manghilot ang kanyang anak. "Yan nga si Nana Pisyang."

"Tingnan mo nga naman ang buhay."

"Sa Amerika ba, merong ganiyan?"

"Pilipinas naman 'to, e! Siyempre dito sa 'tin, pasalin-salin ang hanapbuhay."



"Mana-mana ang lahat."

"Si Ba Meroy aguwador, puwes, si Tandang Owenyong anak ay aguwador din."

"At si Nana Pisyang ng Da Felisa, labandera."

"Pero si Nana Pisyang humihilot din."

"Ow, ano ba naman 'yon? Di naman araw-araw e me nanganganak. Saka, bigyan mo na lang ng pangkape ang Nana Pisyang, tama na."

"Me pamamanahan na sila ng kanilang mga ikinabubuhay."

"Di nga ba't katu-katulong na ng Nana Pisyang sa paglalaba't paghahatid ng damit ang dalagita niyang si Enyang? Meron na siyang magsisiks greyd."

"At si Narsing nila?"

"A, si Narciso ba? Sayang. Tapos ng hayskul, hindi na nakapagpatuloy."

"Ow, tama na 'yon. Tapos ka't hindi, pareho rin."

"Si Narsing ang me ulo. Laging me dalang libro, e!"

"Sa library nga raw sa kabayanan nagbabasa't humihiram ng libro."

"Minsa'y nakita kong may kipkip na libro. Tinanong ko kung ano."

"E, ano raw?"

"Florante at Laura daw."

"Tingnan mo nga 'yan. Sayang na bata. May ulo pa naman."

"Balita ko'y ayaw mag-aguwador."

"Nahihiya siguro. Biruin mo nga namang nakatungtong na halos sa kolehiyo at sa pag-aaguwador mapupunta. Ba't nga naman iyong iba. Karabaw inglis lang ang alam e mga tente bonete na."

"Kayo, pala, oo! Para naman kayong bago nang bago sa Pilipinas. Pa'no me malalakas na kapit 'yon!"

"Di aguwador din ang bagsak ni Narsing!"

NAGHIHIMAGSIK si Narsing. Ayaw niyang punasan ang pinggan. Totoo nga na umiigib siya. Ngunit iyon ay para lamang sa gamit nila sa bahay. At gusto pa niyang bitbitin ang dalawang balde kaysa gumamit ng pingga.

Sabi ng mga matatandang babaing naglalaba sa may balon, kung magpingga lamang si Narsing mapagkakamalan daw itong si Tandang Owenyo noong baguntao pa ito. Iyon din ang palagay ng mga nagkakahig ng sasabungin, ng mga naghuhuntahan sa harap ng tindahang sari-sari sa tapat ng lumang kapilya.

Kung naririnig ni Narsing ang gayong sabi-sabi lalo lamang sumisidhi ang kanyang paghihimagsik. At ito'y may kasamang malalim na hinanakit.

Nagsasampay ang kanyang ina ng siya'y magpaalam isang umaga. Ang apat na alambreng sampayan ay lundung-lundo sa bigat ng malalaking sinampay. Hindi na nakita ni Narsing na ang sampayan ay nawalan ng laman, na ang damuhan sa may gilid ng bakod na siit ay walang latag na kinula. Sa kabilang gilid bakuran hanggang sa duluhang papunta sa bukid ay gumagapang ang kamoteng putpot, na ang talbos ay naagad. May kapirasong balag na ginagapangan naman ng upo.

Binigyan si Narsing ng kanyang inang Nana Pisyang ng konting babaunin. Ito'y naipon sa paglalaba't sa pinagbilhan ng ilang upo at talagang inilalaan para sa susunod na pasukan ng mga bata.

Nakituloy si Narsing sa isang tiyuhin sa Tundo, sa Velasquez. Sa araw, naglalakad siya't naghahanap ng mapapasukan… Kahit na ano, huwag lamang pag-aaguwador. Nakaranas siya ng gutom, ngunit nagtiis siya. Kung anu-anong kumpanya't pagawaan ang kanyang sinubukan. Pulos naman NO VACANCY at WALANG BAKANTE ang nakasabit sa mga tarangkahan at pintuan ng mga pinupuntahan niya.

Hindi lamang pala siya ang nabibigo. May nakakasabay pa siyang madalas na mga tapos ng edukasyon at komers. Ang mga ito'y me dala pang sulat na galing sa ganoo't ganitong senador o kongresman. Natatawang ibig maluha ni Narsing. Binabalewala na pala ng mga ito kahit na pirma ng pulitiko. Maski siguro si Haring Pilato ang nakapirma, talagang walang maibibigay na trabaho ang balanang puntahan ni Narsing. 

Napadaan si Narsing sa isang malaking gulayan ng Intsik. Subukin na nga ‘to, sabi niya sa sarili’t pumapasok siya sa isang ektarya yatang gulayan na binakuran ng mga alambreng matinik. Kinausap niya ang Insik na nakita niyang nagpapasan ng dalawang lalagyan ng tubig na tabla. Taga-alis ng uod, magpala o magpiko sabi ni Narsing sa Intsik.

“Hene pwede,” sagot ng Intsik, “hang lan akyen tlamaho. Nahat-nahat ‘yan akyen lang tanim, dilig.”

“O, paano, talagang wala?” sabi ni Narsing at napansin niyang tumigas ang kanyang boses. Para siyang galit.

“Ikaw gusto pala ngayon lang alaw, ha,” sagot ng Insik. Nangingiti-ngiti. “Akyen gusto lang tulong sa ‘yo.”

“O sige, ano?”

“Ikaw, kuha tubig, salok sa balon, dilig konti. Ikaw na gusto?”

Ibinigay ng Intsik ang kanyang pinipinggang pinakaregadera.

Kinabukasan ng hapon nagpaalam si Narsing sa kanyang tiyahing nasa Velasquez. Sumakay na siya ng trak pauwi sa kanilang bayan sa lalawigan, sa Tibag. Pangkaraniwan na sa Tibag ang nabibigo sa paghahanap ng trabaho sa Maynila, lalo na ang trabahong bago at hindi minana. Habang daan ay inisip-isip niya kung paano niya maiiwasan ang kanyang mamanahing hanap-buhay na halos pantawid-gutom lamang, ang isang kalagayang pagtitiis mula sa umpisa hanggang sa katapusan, walang kamuwangan, hirap, at laging nakasalag, kung hindi sa kabutihang loob ng ilan, sa pagsasamantala naman ng marami.

Mabuti pa, sabi ni Narsing sa sarili, hindi na ‘ko nakapag-aral. Parang nabuksan ang kanyang isip at guniguni sa sanlibu’t sanlaksang kababalaghan ng kalikasan at sa maraming paghahamon ng buhay na di niya maubos-maisip kung paano mapananagumpayan.

Magtatakip-silim nang dumating siya sa Tibag. Dinumog siya ng mga paslit na nagtatanong kung mayroon siyang dalang pasalubong. Wala, wala siyang dala.

Ang sumunod sa kanyang si Enyang ay tahimik na nag-ahin ng hapunan sa lumang dulang. Habang sila’y kumakain, naramdaman ni Narsing na naghihintay ang kanyang ama’t ina ng kanya pang isalaysay tungkol sa kanyang paghahanap ng trabaho sa Maynila. Ano naman ang maibabalita niyang hindi pa nila nalalaman tungkol sa kahirapan ng paghahanap ng trabaho?

Inalok siya nang inalok at pinakakaing mabuti ng kanyang ina. Animo’y nagkandagutom siya sa Maynila. Pasulyap-sulyap siya sa kanyang amang nasa kabisera ng dulang. Nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kanyang nasasaksihan. Nag-aagawan ang mga paslit sa ulam. Tipid na tipid ang subo ng kanyang ama’t ina. Marami pa silang inom ng tubig kaysa sa subo ng kanin. Ang ulam nila’y kamatis at bagoong na may talbos na naman ng kamote, isang mangkok na burong mustasa at ilang piniritong bangus. Maya’t maya ay sinasaway ng kanyang ina ang mga batang parang aso’t pusa sa pag-uunahan sa pagkain. Sa buong Tibag, sila lamang marahil ang hindi halos nagkakaroon ng mumo sa buong dulang. Noong araw, hindi sila ganoon. Ngayon, kung magsabaw sila sa sinigang o minsan sang buwan nilagang karne, halos sambalde ang ibubuhos na tubig para dumami ang sabaw. Habang lumalaki’t dumarami ang subo ng mga bata, dadalang at liliit ang subo ng kanyang ama’t ina. Siya naman ay napapagaya naman sa kanila.

Ang ganoong tagpo ay kanyang pinaghihimagsikan. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik kung nasasaksihan niya ng kanyang mga kapatid na palihim na waring nagsusukat ng mga damit na mahuhusay na ipinaglalaba’t ipinamamalantsa ng kanilang ina. Katulad din iyon ng kanyang paghihimagsik na matapos na sa pag-iigib ang kanyang ama at napapansin niyang dumarami ang kulubot sa ulo kung nakikita itong pasan-pasan ang pingga’t dalawang balde na animo’y isang Kristo sa pagkakayuko na ang paghihirap ay wala nang katapusan.

Noong gabing iyon, nagkasagutan sila ng kanyang ama. Nakaupo si Narsing sa unang baytang sa itaas ng kanilang mababang hagdan. Nakatingin siya sa duluhan ng bakuran. Iniisip niyang harapin pansamantala ang pagtatanim ng gulay. Nalingunan na lamang niyang nakatayo ang kanyang ama sa may likuran niya.

“Gayon din lamang,” mungkahi ng kanyang ama sa malumanay na boses, at ibig mong maghanapbuhay, subukin mong umigib.

May idurugtong pa sana ang kanyang ama, ngunit hindi na nakapigil si Narsing. Malakas at pasinghal ang kanyang sagot.

“Ano ba naman kayo! Aguwador na kayo, gusto n’yo pati ako maging aguwador!”

Napatigagal ang kanyang ama. Ang kanyang ina’y napatakbo at tanong nang tanong kung bakit at ano ang nangyari. 

Minumura siya ng kanyang ama. “Bakit?” wika nitong pinaghaharian ng pagdaramdam at kumakatal ang tinig. “Ano ang masama sa pag-aaguwador? Diyan ko kayo binuhay!”

Nakatayo na sana si Narsing. Ngunit sinundan siya ng kanyang ama’t buong lakas na hinaltak at inundayan ng sampal. Parang natuklap ang mukha ni Narsing. Itinaas niya ang isa niyang kamay upang sanggahin ang isa pang sampal. Nakita niyang nagliliyab ang mga mata ng kanyang ama.

Sumigaw ang kanyang ina. May kasama itong iyak. Yakap siyang mahigpit ng kanyang ina. Huwag daw siyang lumapastangan. Pati ang mga bata’y umiiyak at humahagulgol na parang maliliit na hayop.

Lumayo ang kanyang ama’t iniunat ang katawan sa isang tabi ng dingding na pawid. Dinig na dinig pa rin ang kanyang sinasabi.

“Nag-aral ka pa naman, sayang. Oy, kung me gusto kang gawin, sige. Di kita pinipigil. Darating din ang araw na mararanasan mo rin…mararanasan mo rin.”

Kung anu-anong balita ang kumalat sa Tibag. Kung umiigib si Narsing ng tubig para sa kanilang bahay hindi siya pinapansin ni binabati tulad ng dati. Ganoon din ang kanyang ama. Waring nahihiyang magtanung-tanong ang mga tao, ngunit hindi nahihiyang sa kani-kanilang sarili’y magpalitan sila ng tsismis at mali-maling palagay.

ISANG linggo pagkatapos ng pagkakasagutan nilang mag-ama, ang Tandang Owenyo ay nadisgrasya sa balon. Nadupilas ito at mabuti na lamang daw at sa labas ng balon nahulog. Kung hindi raw, patay. Ang dibdib ng matanda ay pumalo sa mga nakatayong balde at ito’y napilayan. Nabalingat naman ang isang siko niya. Sabi ng marami ay nahilo ang matanda. Ang iba’y na wala sa isip niya ang ginagawa.

Nilagnat pa si Tandang Owenyo. Ipinatawag na ang pinakamahusay na manghihilot na taga-ibayo. Nakikiigib ang mga iniigiban ni Tandang Owenyo sa iba. Kailan daw ba iigib uli ang matanda. Walang malay gawin ang ina ni Narsing. Ang kanilang dati nang malaking utang sa tindahan ni Da Utay ay lalong lumaki sa pagkakasakit ng matandang aguwador.

Isang hapong umiigib si Narsing ng gamit sa bahay ay may naglakas-loob na nagtanong kung magaling na ang kanyang ama. Bakit daw hindi pa siya sumalok. Sayang daw kung kinikita ng ama niya’y sa iba pa mapupunta.

Hindi nanlilibak o sumasaring ang pagkakasabi noon. Iyon, sa palagay ni Narsing, ay patotoo sa paniwalang siya ang talagang magmamana sa gawaing iyon ng kanyang ama.

KINABUKASAN, hindi nangyari ang inaasahang mangyari ni Narsing. Hindi siya tinukso ni pinagtawanan at kinantiyawan. Nalapnos ang kanyang balikat at magdamag na nanakit ang kanyang mga buto sa pag-akyat-panaoog sa mga hagdang matatarik, sa pagsalin at pagbuhat ng tubig. Siya ang umiigib.

Pabiling-biling si Narsing sa kanyang hinihigang sahig. Nakikita niya ang malalayong mga bituin. Narinig niya ang mga mumunting hayop at ang alit-it ng mga kawayang itulak-hilahin ng hangin. Sa malayo’y may asong kumakahol na parang nakakita ng asuwang o ano. Hindi siya nakatulog. Marami siyang iniisip. Naalaala niya noong siya’y nasa hayskul. Bago siya maidlip, sa guniguni niya ay nakita niya ang kanyang sariling kamukha ng kanyang amang animo’y isang Kristong pasan-pasan ang pingga’t dalawang baldeng mabibigat. Naisipan din niyang taniman nang taniman ang bakuran nilang ngayo’y hindi na kanila’t inuupahan lamang.

Maaga pa’y bumaba na ng bahay si Narsing. At siya’y muling umigib. Mahapdi ang kanyang balikat. Humihingal siya’t parang hindi na niya kayang ituwid ang kanyang mga tuhod.

Noong hapon, naghihintay si Narsing ng kanyang turno sa balon. Nagbibiruan ang mga dalaga’t kinabinataan sa paligid ng balon. May tumatawang nagsasabing binyagan ang kanilang bagong aguwador.

“Binyagan si Narsing!” sigaw ng mga nasa paligid ng balon, at may nangahas na magsaboy ng tubig.